Mahusay's statement against Mike Arroyo
Below is the sworn statement of Eugenio P. Mahusay executed on July 21, 2003.
Ako, EUGENIO P. MAHUSAY Jr., sapat ang gulang, Filipino, may asawa, at naninirahan sa Kaingin 1, Barangay Pansol, Lungsod ng Quezon, pagkatapos maka-panumpa nang sang-ayon sa ipinag-uutos ng batas ay malaya at kusang-loob na dito ay nagsasaysay:'
1. Na kami po ni Atty. Miguel Arroyo ay nagkakilala ng ako ay kasalukuyang Sangguniang Kabataan Chair-man ng Barangay Pansol. Ako po ay madalas na dumalaw sa kanyang tahanan sa 14 Badjao Street, La Vista Subdivision. Quezon City;
2. Na nang ako po ay ikasal noong Sept. 14, 1997 sa simbahan ng Sta. Maria dela Estrada sa Katipunan, Lungsod ng Quezon, si Atty. Jose Miguel Arroyo at Senadora Gloria Macapagal-Arroyo ang isa sa aking ninong at ninang;
3. Na ako po ay nagsimulang maglingkod kay Atty. Jose Miguel Arroyo at Senadora Gloria Macapagal-Arroyo noong 1996 bilang isang mensahero sa Velco Bldg., Port Area, Manila;
4. Na nang si Senadora Gloria Macapagal-Arroyo ay nahalal bilang Bise-Presidente ako po ay inilipat ni Atty. Jose Miguel Arroyo sa LTA Realty Inc. na matatagpuan sa 118 Perea Street, Makati City bilang mensahero hanggang Marso 2002;
5. Na nang ako po ay nasa LTA Realty Inc. ako po ay madalas maatasang mag-deposito at mag-withdraw ng salapi na umaabot po ng milyun-milyong piso sa mga sumusunod na bank accounts
(See table page 7 - eds.)
6. Na kasama sa aking mga naideposito sa Jose Pidal account at Lualhati Foundation ay mga tseke mula sa mga kaibigan o ka-negosyo ni Atty. Miguel Arroyo at Presidente Gloria Macapagal-Arroyo tulad nila Honeyboy Palanca, Bob Go Tong, Amable Aguiluz, Dante Soriquez, George Ty, Ramon Jacinto at marami pang iba (Annex A);
7. Na mayroon din po akong naideposito na cash mula sa iba't ibang tao na nag-kakahalaga ng milyun-milyon na kanilang dinadala sa opisina ni Atty. Jose Miguel Arroyo tulad po nila Benjamin Chua ng La Tonde?a, Efraim Genuino ang Chairman ng PAGCOR, Kishore Hemlani - isang rice trader at in-charge sa rice importations ng NFA, Atty. Ching Vargas - Office of the President, Finance Division, Pantaleon Alvarez - DOTC Secretary at Jeff Cheng ng PIATCO;
8. Na ang pinakamaraming salapi na dinala sa aming opisina ay mula kay G. Efraim Genuino ng PAGCOR. Halos dalawang beses isang linggo kung magdala ng salapi na nakalagay sa malaking bag si G. Ryan Cordeta, katiwala ni G. Efraim Genuino;
9. Ang karamihan po ng salapi ay akin pong naideposito o na-withdraw sa Union Bank-Perea Branch, sa Account No. 00-0073001483-6 na nakapangalan po kay Jose Pidal at ang signatory po ay si Atty. Jose Miguel Arroyo at sa Account No. 073-001283-9 na nakapangalan po sa Lualhati Foundation. Marami rin po akong naideposito sa Account No. 073-001820-9 sa pangalan po ni Victoria Toh at sa Account No. 073-001993-7 sa pangalan naman po ni Thomas Toh Jr. na kapatid ni Victoria Toh. Mayroon din po akong naideposito at nawithdraw na nagkakahalaga ng milyon-milyon sa bank account ni Kevin Tan. na bayaw ni Victoria Toh, sa Union Bank-Perea Branch, sa Account No. 073-001833-7 at sa International Exchange Bank, Perea-Legaspi Branch na may Account No. 041-02-0-001720 na naka pangalan rin kay Kelvin Tan. Lahat po ng nasabing bank account ay may address na c/o Vicky Toh, 8th Floor, LTA Bldg., Perea Street. Makati City, Si Victoria Toh ay naabutan ko na sa LTA Realty Inc. na gumawa ng trabaho ng accountant
Siya pala ay kalaguyo ni Atty. Jose Miguel Arroyo.
10. Na bilang patunay na ako po ay napag-uutusang mag-withdraw ng milyun-milyong salapi buhat sa mga nasabing bank accounts, makikita po ninyo ang aking lagda sa likod ng mga tsekeng nagamit na kung atin pong ipapakuha ang lahat ng record ng bangko sa mga nabanggit na accounts.
11. Isa sa mga nahawakan kong tseke ay mula kay Congressman Mark Jimenez na ibinigay kay Atty. Jose Miguel arroyo at aking ideneposito sa Jose Pidal at Lualhati Foundation accounts sa Union Bank-Perea Branch. Sa katunayan ito po ay lumabas sa pahayagang Daily Tribune noong Disyembre 29, 2002 at nagsasabing sa Union Bank-Perea Branch Account No. 0073-001483-6, isang pribadong bank account, naideposito ang ilan sa mga tseke ni Congressman Mark Jimenez.
12. Na ang lahat po ng utos patungkol sa pag-deposito at pag-withdraw ay nanggagaling kay Victoria Toh. Maging ang mga tseke nina Thomas Toh at Kelvin Tan, Jose Pidal at Lualhati Foundation ay si Vicky Toh ang gumagawa. Ang lahat ng aking ginagawang mga transaksyon sa bangko ay maaring patunayan ni G. Nestor "Atoy" Pineda, isang opisyal ng Union Bank-Perea Branch at aking personal na kakilala sa kadahilanang ako po ay laging tumatawag sa kanya sa telepono bago ako mag-withdraw ng salapi upang maibasta ang pera ng nagkakahalaga ng milyun-milyong piso;
13. Na kung susumahin ang halaga ng salapi na dumaan sa aking kamay bilang mensahero na napag-uutusang madalas sa bangko, aabot po ito ng Isang Bilyong Piso o higit pa hanggang ako po y umalis sa kumpanya noong Marso 2002;
14. Na ako po ay nauutusan din ni Atty. Jose Miguel Arroyo sa kanyang mga personal na pangangailangan katulad po ng pagpapainom ng gamot, pagluluto ng kanyang paboritong pritong galunggong at pinakbet. Ako rin po ang taga-bili ng bulaklak na rosas para kay Victoria Toh sa tuwing sasapit ang araw ng mga puso. Ako rin po ang taga-masahe ni Atty. Jose Miguel Arroyo kung wala si Ernesto Beltran o mas kilala bilang si "Tiyana". Nagsisilbi rin po ako ng red wine kina Atty. Jose Miguel Arroyo at Victoria Toh sa silid ni Atty. Arroyo sa opisina hanggang alas diyes ng gabi lalo na kung wala si Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at may biyahe sa probinsiya. Ako po ay naisama na rin ni Atty. Jose Miguel Arroyo at Victoria Toh sa pag-gagala sa Tagaytay sakay ng dilaw na helicopter, pag-aari ni Atty. Arroyo. Ito ay mapapatunayan ni "Nestor" at Weng Salud, mga maintenance crew ng helicopter.
15. Na noong pangalawang linggo ng Hulyo ng taong 2001, makaraan ang kaarawan ni Atty. Mike Arroyo, nagpa-withdraw siya ng pera sa account ni Jose Pidal at mula piso ito ay ipinalit sa dolyar sa Union Bank. Ito ay nagkakahalaga ng higit kumulang sa sampung libong dolyares. Ito ay aking binigay kay Atty. Jose Miguel Arroyo at kanyang inilagay sa isang brown envelope at nakita kong ibinigay kay Col. Corpus at narinig ko po na ito ay gagamitin sa pagkalap ng mga impormasyon laban kay Senator Lacson.
16. Na ang salaysay na ito ay aking sinagawa bilang patotoo sa lahat ng nabanggit.
SA KATOTOHANAN NG LAHAT NA ITO, ako ay lumagda sa ibaba nito ngayong ika-21 araw ng buwan ng Hulyo, 2003 sa Makati.
Thursday, August 28, 2003
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment